Saturday, June 23, 2007

Isang Tula Para sa Bubuyog na nahulog sa balon

Ang sikat ng araw ay nasa lunduan na,
patuloy pa rin ang abang magsasaka
sa pag-ani ng mga nakayukong palay,
habang ang araw ay panay ang paghalik
sa kanilang balat.
Tanging ang lupa sa kanilang kuko
at ang manipis na alikabok na kumapit
sa kanilang madurungis na paa
ang lupang kanilang pag-aari.

Salo ng aking mga palad ang aking mukha
habang taimtim kong minasdan ang mga
bubuyog sa tabi ng balon.
Tila humuhugot sila ng lakas sa malamig
na atmosperang dulot ng pinaghalong
tubig ng balon at sanga-sangang puno
ng molave sa gilid nito.

Muling inabot ng aking mga mata
ang kinalulugaran ng mga magsasaka,
habang ang bubuyog ay tinutunggali
ang kamatayan.
Gumewang kasi ang kanyang pakpak,
nahulog tuloy sa balong pinupugaran
ng mga palaka.
Habang nagpupumilit siyang lumutang
at umahon mula sa pagkakahulog,
pilit din niyang ikinampay ang kanyang
mga pakpak na ngayon ay pasan ang
bigat ng tubig.

Napaisip ako.
Ang buhay ng bawat isa sa atin ay
walang katiyakan.

Isang kapwa bubuyog ang umaligid
sa kanya; kung bakit ay hindi ko tiyak.
Hindi ko tiyak kung ito'y nangungutya
o ang nais lamang ay tumulong.

Napaisip ako.
Kapag ang tao ay may suliranin,
dalawang bagay lamang ang maaaring
itugon sa atin ng mga tao sa paligid.

Maya't maya pa'y kasalo na
ng bubuyog ang kanina'y umaaligid sa kanya.
Ngayon, pareho na silang nakikipaglaban
sa kamatayan.
Bawat galaw ng kanilang pakpak ay
nagsusumigaw ng kalayaan mula sa hirap
na dinaranas sa kanilang pagkahulog
sa malansang tubig.

Napaisip ako.
Kapag tulong-tulong sana,
mas masusulosyunan ang problema.
Kolektibo dapat.

Hindi ko na nalaman ang nangyari
sa dalawang bubuyog.
Posibleng nakita na nila ng harapan
ang kamatayan sa pagkalagot ng
kanilang hininga,
o kung di man ay natauhan ang ibang
bubuyog at pumasok sa isip nila
ang konsepto ng pakikipag-kapwa bubuyog.
Masuwerteng buhay pa sila kung ganoon.

Napaisip ako.
Sa mundong ito,
tayo ay nabubuhay sa pagitan
ng buhay at kamatayan,
ng kabutihan at kasamaan,
ng pagtulong at pagkibit-balikat.

Sa bubuyog na matapang na hinarap
ang hamon para pagsilbihan ang kapwa,
isang pagpupugay!

No comments: