Friday, May 25, 2007

Martsa ng Kabataan


“Hindi niyo lang ako anak, anak rin ako ng sambayanan.”


-linya sa Dekada ’70 na paboritong sabihin ng mga kabataang napipilitang umalis ng kanilang tahanan upang pagsilbihan ang malawak na hanay ng sambayanan.

Sa Morong at sa iba pang panig ng bansa, maraming kabataan at estudyante ang nagbitiw na ng linya sa itaas. Paborito ko itong linya sa nobela ni Lualhati Bautista na Dekada ’70. Paborito rin itong sabihin ng mga anak na napipilitang lumayas ng kanilang tirahan upang magsilbi sa sambayanan. Malaman ang linya sa itaas. Hindi lang tayo naririto para maging anak ng ating mga magulang. Hindi lamang tayo naririto para maging ate at kuya sa ating mga kapatid, maging kaibigan sa ating mga barkada, maging estudyante sa paaralan. Ang kakayahan at halaga ng bawat isa sa atin ay nakahihigit pa sa aking mga nabanggit.

Anak din tayo ng sambayanan.
Kaibigan din tayo ng sambayanan.
Estudyante din tayo ng sambayanan.


Hindi lamang tayo simpleng taong papanoorin ng lipunan sa pagkain ng almusal habang ang iyong kapitbahay ay hindi magkandaugaga kung saan kukuha ng ihahain, habang ikaw ay patungo sa trabaho habang nabalitaan mo na iyong kumpare mo ay kakasesante lang sa trabaho, nag-aaral ka nga at mahusay ngunit ang sambayanan naman ay patuloy na nilalamon ang katinuan ng gutom, sakit at kamangmangan.

Sana masabi ko rin ito sa aking mga magulang, nang hindi umaasang makatikim ng sampal o pananakot mula sa kanila. Dahil ayokong tamasahin ng mga susunod na henerasyon ang lipunang bulok na ito kayak o ito ginagawa.

Ina at ama rin kayo ng sambayanan.